Basahin ang iilang artikulong may kaugnayan sa aming dokumentasyon sa Rizal
Written by: Rufino H. Caimol III
M
abilis ang pag-progreso ng teknolohiya at medisina ngayon, pero buhay pa rin sa Rizal ang isang lumang kasanayan: ang pagtatawas. Gamit man ang patak ng kandila sa plato, tubig, o tawas mismo, hindi lang basta lumang paniniwala ang ritwal na ito. Isa itong mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino at ng paraan ng pag-aalaga sa isa’t isa.
Sa mga kuwento ng mga lokal sa Rizal na sina Helen Catapia, Romeo P. Lozano, Rolyn Mae Maramyas, at Mary Ana Yalong, may isang malinaw na punto: ang pagtatawas ay hindi kaaway ng mga doktor. Sa halip, isa itong simpleng paraan para makahanap ng paunang tulong at ginhawa kapag may nararamdamang sakit.
Kadalasan, iniisip ng karamihan na magkalaban ang pagtatawas at modernong medisina. Pero sa totoong buhay sa komunidad, nagtutulungan ang dalawang ito. Para sa maraming magulang, ang pagtatawas ang unang ginagawa kapag nagkakasakit ang anak. Tulad ng naaalala ni Helen Catapia (49), naroon ang nakaugaliang paniniwala na “kapag daw ipatatawas ang bata ay huwag mo munang dadalhin sa doktor” dahil sinasabing “hindi raw po gagaling kung may ‘tawasin’ ‘yung bata.” Dagdag pa niya, “automatic tatawag ka ng magtatawas,” at kapag hindi pa rin nagbago ang pakiramdam, “the second day, kailangan mo na siyang dalhin sa doktor.”
Ganito rin ang pananaw ni Mary Ana Yalong (49). Aniya, karaniwang ginagamot sa tawas ang mga batang “may superstitious belief na ‘pag sumakit ‘yung tiyan or iyak ng iyak,” lalo na kapag nag-aalala ang pamilya na “baka may nakabati sa kanila na hindi nakikita.” Dahil hindi pa kayang ipaliwanag ng bata ang kanyang nararamdaman, “ang unang pumapasok sa amin muna is ‘yung magtatawas bago namin sila dalhin sa hospital.”
Ayon pa kay Mary Ana, marunong ding kilalanin ng mga magtatawas ang kanilang limitasyon. Ipinaliliwanag din nila sa pamilya na “baka meron pang ibang cause ng nararamdaman,” kaya kapag hindi na ito kayang idaan sa ritwal, “pinapadoktor talaga namin ‘yung mga bata.”
Habang ang mga doktor ay nakatutok sa mga sakit base sa siyensiya, ang pagtatawas naman ang tumutulong sa mga sakit na nanggagaling sa paniniwalang Pilipino—tulad ng usog, nakabati, o kaya ay ang hindi sinasadyang pag-istorbo sa mga hindi nakikitang nilalang sa paligid.
Ikinuwento ni Rolyn Mae Maramyas (34) ang kanyang karanasan nang magbuhos siya ng tubig sa labas ng bintana malapit sa puno ng santol at nagising na may mga pantal. Nang magpatawas siya sa Angono, pinagkalooban siya ng “lana” o langis at binigyang-diin na hindi nakatatakot ang proseso dahil “tatanungin ka lang naman kung ano ‘yung ginawa mo,” at sa pamamagitan ng papel ay lalabas kung “may nasagi ka” o “may natapunan ka ng tubig.” Nang tanungin ukol sa pangkalahatang pakiramdam sa lugar ng magtatawas, pahiwatig niya na “magaan lang” ang loob ng pumapasok doon.
Para naman kay Romeo P. Lozano (56), ang pagpapatawas ay nakakabit sa pananampalataya at pagtitiwala sa Maykapal. Para sa kanya, walang dahilan upang mag-alangan sapagkat ang Panginoon “ang nagbigay ng buhay natin,” at tuwing nagpapatawas ay nararamdaman niyang “parang gumagaan” ang kanyang katawan.
Bagaman buhay pa rin ang tradisyon, nahaharap din ito sa mga pagbabago. Ipinaliliwanag ni Helen na sa henerasyon ngayon, tinitingnan na ang tawas sa pamamagitan ng siyensiya sapagkat “science na ‘yung pinaniniwalaan nila,” habang ang iba naman ay nag-aalangan dahil baka isiping “inaasa ‘yung sakit nung pasyente doon sa magtatawas.”
Subalit ang pangunahing suliranin ay ang pagkaunti ng mga nagpapatuloy nito. Tulad ng obserbasyon ni Mary Ana, “kung walang kukuha at walang magpapapasahan, mawawala talaga ‘yung pagtatawas na ‘yan.” Inihalintulad niya ito sa mga tradisyonal na manghihilot ngayon: “punta ka na lang ng mall may maghihilot na sa likod mo doon na makina,” dahil ang mga taong tunay na marunong ay “nauubos na sila.”
Sa kabila ng lahat, nananatili itong mahalagang bahagi ng kultura. Sa huli, nag-iwan ng paalala si Helen para sa mga kabataan: bagaman maraming tradisyon ang tila nakakalimutan na, “hindi naman kailangang pagtawanan or kalimutan ‘yun, kasi naging bahagi ng kultura natin ‘yun.” Sa halip, ang mahalaga ay unawain at “respect each other’s beliefs.”
Written by: Rufino H. Caimol III
S
i Rosalea Gutierrez Recafrente, na mas kilala ng marami bilang “Ka Rosie” o Nanay Rose, ay ipinanganak noong Hunyo 13, 1944. Siya ay isang tanyag na mangtatawas at manghihilot na matagal nang naninirahan at naglilingkod sa lugar ng Bilibiran sa lalawigan ng Rizal. Ayon kay Nanay Rose, nagsimula ang kanilang pamumuhay roon noong ang kanyang bunsong anak, na ngayon ay limampung taong gulang na, ay apat na taon pa lamang. Sa paglipas ng mahabang panahon, nakilala siya sa kanilang komunidad bilang isang taong takbuhan ng mga may karamdaman, lalo na iyong mga nagmula na sa mga doktor ngunit hindi pa rin nakararanas ng ginhawa. Kapag walang ginagamot, abala lamang siya sa mga simpleng gawaing-bahay tulad ng pagluluto at paglilinis.
Hindi lubos na maipaliwanag ni Nanay Rose kung paano siya eksaktong natutong magtawas at manggamot. Ayon sa kanya, naging bukal na lamang ito sa kanyang kalooban at itinuturing niya itong isang natatanging kaloob mula sa Panginoon. Nagsimula ang kanyang kaalaman nang minsan siyang makatanggap ng isang kopya tungkol sa pag-aaral ng “reflexology” kung saan nakasulat ang iba’t ibang bahagi sa katawan at kung anong sakit ang katumbas ng mga ito. Kanyang kinabisado ang mga impormasyong ito at ginawang batayan sa kanyang pagmamasahe at panggagamot. Nang lumaon, maging ang sarili niyang pamilya at mga anak ay kanyang nagagamot nang maayos at walang anumang pangamba.
Napakasimple lamang ng mga pamamaraan ni Nanay Rose sa kanyang pagtulong sa mga maysakit. Madalas siyang gumamit ng luya at dulaw upang gamutin ang mga bukol at lagnat ng mga lumalapit sa kanya. Kapag may pasyenteng sumasakit ang tiyan dahil sa usog o masamang hangin, nginunguya niya ang luya at pagkatapos ay iihipan niya ang ulo at tiyan ng pasyente. Maingat siya sa paggawa nito; naglalagay muna siya ng sapin na damit upang hindi maluto o masaktan ang balat ng pasyente dahil sa anghang ng luya. Para naman sa mga sakit na tulad ng “kulebra,” mahigpit niyang bilin na dapat itong gamutin nang tatlong magkakasunod na hapon. Ginagawa niya ito kapag ang araw ay palubog na, na may kasamang bulong na sumama na sana ang sakit sa tuluyang pag-alis ng araw.
Bukod sa panghihilot at pag-ihip ng luya, kilala rin siya sa kanyang galing sa mismong pagtatawas gamit ang kandila. Sa pamamaraang ito, nagsisindi siya ng kandila at taimtim na nagdadasal habang itinututok ito upang ang usok ay bumuo ng mga hugis sa isang papel. Mula sa mga lumalabas na hugis—tulad ng tao, hayop, o ibon—nababasa ni Nanay Rose kung sino o ano ang dahilan kung bakit sumasakit ang katawan ng isang tao. Isang beses nga ay nakakita siya ng hugis ng maraming manok sa tawas, at napag-alaman niyang ang pasyente ay nagmula pala sa isang manukan kung saan may mga hindi nakikitang nilalang na nakabati sa kanila.
Sa kabila ng kanyang natatanging kakayahan, nananatiling mapagpakumbaba si Nanay Rose at hindi niya kailanman itinuring ang sarili bilang isang doktor. Sa katunayan, nahihiya siya kapag tinatawag siyang doktor ng kanyang mga pasyente sa pampublikong sasakyan dahil alam niyang magkaiba ang kanilang propesyon. Palagi niyang inuuna ang pagtawag sa Panginoong Diyos at kay Mama Mary bago siya magsimulang manggamot. Hindi rin siya namimilit ng mga taong magpagamot sa kanya; ito ay palaging kusang-loob. Bilang isang responsableng mangtatawas, nililinaw niya sa mga pasyente na susubukan nilang gamutin ang sakit sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw. Kung matapos ang palugit na ito ay hindi pa rin humuhupa ang sakit o bukol, siya na mismo ang nagpapayo na dalhin na ang pasyente sa isang tunay na doktor. Hangga’t may lumalapit at humihingi ng tulong, patuloy siyang maglilingkod sa kapwa nang may pagmamahal at pananampalataya sa Diyos.
Written by: Rufino H. Caimol III
S
i Nanay Perpetua ay isang albularyo sa kanilang lugar na higit 20 taon nang nagtatawas at tumutulong sa mga taong may iba’t ibang nararamdaman. Sa loob ng dalawang dekada, marami na ang lumalapit sa kanya kapag may sakit ang katawan o kaya ay may hinalang may “elementong” nakikialam. Sa pamamagitan lang ng pagtatawas at paggamit ng papel na may nakasulat na pangalan, naisasalaysay ng kanyang mga pasyente ang kani-kanilang kwento at karanasan.
Isa sa mga dumaan kay Nanay Perpetua ay si Maria Imelda Arrive Trinidad na may reklamo sa kanyang paa at sirkulasyon ng dugo. Sabi ng pamilya o kasama ng pasyente, “Masakit, masakit daw leg po… Blood, ah, walang blood circulation”. Dahil walang dalang simpleng papel, ginamit na lang ang kanyang buong pangalan para maitawas siya ni Nanay Perpetua at masuri ang kanyang lagay.
May isa rin na lola na madalas talagang tumakbo sa bahay ni Nanay Perpetua kapag biglang sumasakit ang katawan. Kwento niya habang nagpapagamot, “Pagka yung ganun, napapunta kami dito. Oh Nay, tawasin mo ho ako.” Idinagdag pa niya kung bakit siya nagpapatas: “Naasuhan, naasuhan… Minsan yung ipin mo o kaya yung aking sintido, ‘yon ang masakit. Katulad nga kaninung, pag nasaktan ako ng ngipin, ang masakit ang ulo ko siguro yun.”
May mga kaso rin ng pananakit ng tiyan na lumalabas sa tawas na may kaugnayan sa mga hindi nakikitang nilalang. Sa gitna ng pagtatawas, may nakitang hugis sa tawas at naisambit na, “Ayan oh, dalawang babae… Ang laki-laki ng mata.” Para sa mga pasyenteng nakakaranas ng ganitong sintomas, ang pagpapakita ng ganitong imahe ang nagbibigay ng paliwanag kung bakit masakit ang kanilang tiyan.
Kahit mga bata at sanggol ay dinadala rin sa kanya. May isang apat na buwang baby na dinala ng pamilya dahil gabi-gabi na lang umiiyak. Kwento ng kasama sa bahay, “Ayan ayan oh. Nag-iiyak sa gabi.” Nang tignan ni Nanay Perpetua, napansin niyang may gumagambala sa bata at sinabing, “Angel ang nga… Yung ano niya sa ano, pagkabuntis nung baby siya… Parang nilalaro po siya.” Dahil sa pagtatawas at pag-aayos ni Nanay Perpetua, nakakahanap ng peace at kaginhawaan ang pamilya.